SPECIAL REPORT: DAHIL SA KAWALAN NG GUIDELINES AT SA MAGKAKAIBANG DETALYE SA PAMAMAHAGI NG MGA BINILING 277 ANDROID TABLETS NG NAKARAANG ADMINISTRASYON AY LUMIKHA ITO NG PAGDUDUDA AYON SA COA

CAMARINES NORTE (August 14, 2022) | Dahil sa hindi nakapaglatag ng malinaw na mga alituntunin sa pamamahagi at dahil sa magkakaibang detalye sa isinumeting distribution report kumpara sa mga supporting documents para sa pagpili at pagsusuri ng mga beneficiaries ng 277 android tablets na binili ng tanggapan ng Gobernador ng nakaraang administrasyon ay lumikha ito ng pagdududa para sa Commission on Audit (COA) sanhi ng umaano ay mga paglabag nito sa itinatadhana ng Section 123 at 124 ng PD No. 1445.

Sa paliwanag ng COA, ang section 123 at 124 ng PD No. 1445 ay nagsasaad ito ng internal na kontrol para sa pagprotekta ng mga ari-arian ng pamahalaan, pagsusuri sa kaayusan at pagiging makatotohanan ng data ng accounting nito at paghikayat na sundin ang itinatakda ng mga patakaran sa pamamahala, kung saan direktang responsibilidad ng pinuno ng ahensya ang pag-install, pagpatupad at pagbantay sa isang maayos na sistema ng internal control.

Ayon sa inilabas na 2021 Annual Audit Report ng COA ay iniulat nito na isang Resolution No. 06 series of 2020 ang pinagtibay ng Local School Board (LSB) noong October 15, 2020 na nag-apruba sa Special Education Fund (SEF) Supplemental Budget No. 3 CY 2020 na naglalaan ng alokasyon na pondo sa halagang P2,213,230.00 million pesos para sa pagbili ng mga android tablets upang ipamahagi umano sa 277 na mahihirap na mag-aaral ng Camarines Norte.

Sinabi ng COA na sa kanilang ginawang  review sa mga supporting documents ay nakita nila mula sa Disbursement Voucher (DV) No. 20-12-0098 na ang nasabing mga android tablets ay nai-deliver noong Enero 27, 2021 at matapos mai-deliver ay ibinigay ng General Services Office (GSO) sa mga personnel ng opisina ng Gobernador ng kaparehong araw ang mga tablets para diumano ay ipamahagi sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Camarines Norte.

Idinagdag pa ng COA, na nakita ng kanilang Audit team na walang mga sumusuportang dokumento na dapat ay nakalakip sa nasabing Disbursement Voucher (DV) alinsunod sa mga nauukol na patakaran na dapat isagawa sa pagpili at pagsusuri sa kung sino ang kuwalipikadong mahihirap na mga mag-aaral na maaaring tumanggap ng nasabing mga android tablets.

Inihayag pa ng COA na sa kanilang ginawang beripikasyon sa Provincial Accounting Office ay nabatid na ang nasabing mga android tablets ay ganap na naipamahagi sa mga sinasabing recipients nito ay noong Setyembre 30, 2021. Subalit ang distribution reports na isinumite ay ibinalik ng Provincial Accounting Office noong Pebrero 3, 2022 sa General Services Office at sa Governor’s Office dahil sa kakulangan ng mga supporting documents.

Natuklasan pa rin ng COA na ang mga dokumento para sa pagpili at sa evaluation ng mga beneficiaries na mahihirap na estudyante ay hindi kasama sa mga isinumeting dokumento. Pinuna din ng COA na ang Pamahalaang Panlalawigan ay hindi nakapag-provide ng rason o paliwanag kung bakit hindi sila nakapaglatag o nakapag-buo ng malinaw na mga alituntunin para sa pagpili at pagsusuri sa mga posibleng tatanggap ng nasabing 277 android tablets alinsunod sa umiiral na regulasyon.

Binigyang diin ng Commission On Audit na dahil sa kawalan ng kakayahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte na maglatag ng malinaw na mga alituntunin sa pagpili at pagsusuri ng mga prospective recipients ng mga nabanggit na android tablets, gayundin ang magkakaibang detalye sa oras ng isinumiteng distribution report, kumpara sa mga supporting documents ay nagdulot umano ito ng pagdududa sa pagiging lehetimo ng mga beneficiaries at maging sa kaayusan sa pamamahagi ng nasabing mga android tablets.

Bunsod nito ay inirekomenda ng COA na ang General Services Office at Governor’s Office sa pamamagitan ng Provincial Accounting Office ay magsumite ng kinakailangan report sa kanilang ginawang distribusyon at maging ang mga kinakailangang supporting documents hinggil sa pagpili at sa pamamahagi ng 277 android tablets sa mga recipients nito upang masuri ng COA Audit Team.

Inirekomenda din ng COA na ang Local Schools Board ay kailangang gumawa rin ng malinaw na mga alituntunin sa pagpili at pagbibigay ng tulong na naaayon sa Local School Board Resolution nito at sa mga nauugnay na Joint Circular’s upang matiyak na ang mga layunin kaugnay sa kahalintulad na aktibidad ay naipapatupad ng maayos.

Ang komposisyon ng isang Provincial Local School Board ay ang mga sumusunod:

Chairperson: Governor

Co/Vice-Chairperson: Department of Education Division Superintendent of Schools

Members:                    

1. SP Chairperson Committee on Education

2. Provincial Treasurer’s Office

3. Representative of the Sangguniang Kabataan Federation

4. President of the Provincial Parents and Teachers Association

5. Representative of the Teachers Organization in the Province

6. Representative of the Non-Academic Personnel of Public Schools in the Province

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s