SPECIAL REPORT: Mga Paglabag ng PRIMEWATER-Camarines Norte sa Joint Venture Agreement (JVA) nakita ng Commission On Audit (COA), Petisyon para buwagin ang JVA pangungunahan ng isang CNWD Board of Director

CAMARINES NORTE (June 9, 2022) | Nakita ng Commission On Audit ang mga paglabag na nagawa ng PrimeWater-Camarines Norte sa nilagdaang Joint Venture Agreement (JVA) batay sa inilabas nitong Annual Audit Report. Ang JVA ay naglalaman ng kasunduan sa paggamit ng PrimeWater sa mga ari-arian ng gobyerno upang gampanan ang mga obligasyon at serbisyo ng CNWD at pagkakitaan ito bilang isang pribadong kompanya.

BACKGROUND

Sa bisa ng Presidential Decree (PD) No. 198 na kilala rin sa tawag na “The Provincial Water Utilities Act of 1973,” na nilagdaan bilang batas noong Mayo 25, 1973 ay binuo naman batay dito ang Camarines Norte Water District (CNWD) noong Nobyembre 8, 1973 sa pamamagitan ng Provincial Board Resolution 73. Kasunod ng pagkakaabuo ng CNWD ay pinag take-over nito ang mga asset at pasilidad ng Provincial Waterworks System.

Noong Enero 14, 2016, ang CNWD at Prime Water Infrastructure Corp. (PRIMEWATER) ay pumasok sa isang 25-years Joint Venture Agreement (JVA) upang matamo daw ang pinakamataas na posibleng antas ng mga serbisyo at pag supply ng tubig para sa mga konsumidores sa mga lugar na pinaglilingkuran ng CNWD.

Nilikha kasunod nito ang CNWD-Contract Monitoring Unit (CMU) na may 10 empleyado na pinamumunuan ng General Manager na si Engr. Onofre D. Garing Jr.

Nagsimula naman ang pagpatupad ng JVA sa pagitan ng CNWD at PRIMEWATER Noong Marso 17, 2016 kung saan ang PrimeWater na ang nagpatakbo sa lahat ng ari-arian ng CNWD kabilang na ang mga negosyong kaakibat nito.

Ayon sa pahayag ni Atty. Freddie Venida, ang Board of Director ng CNWD na sa simula pa lamang ay kontra na sa JVA, ayon dito, sa unang mga yugto ng JVA ay tila “Tubong Laway” o laway lang ang puhunan ng PrimeWater sa kasunduang ito pero kumikita na sa negosyo at aria-arian ng CNWD na wala pang inilalagay na kapital kundi ang mga dokumento lang na nilagdaan. Panoorin ang panayam ng The Fenix Channel kay Atty. Venida mula sa link na ito: https://youtu.be/fB7nxqyhI60

AUDIT OBSERVATION

1. Batay sa Annual Audit Report para sa taong 2020 na ipinalabas ng COA noong Hulyo 29, 2021 ay hindi nagawa ng PRIMEWATER na magampanan ang mga obligasyon nito sa serbisyo, sa loob ng unang limang taon ng pagpapatupad ng JVA, dahil dito ay hindi aniya natamo kahit isa sa mga specific objectives na nakasaad sa nilagdaang Joint Venture Agreement.

Ang resulta umano nito ay pinsala sa interes o kapakanan ng public concessionaires at ang benepisyong pang-ekonomiya at pananalapi ng Water District ay hindi rin umano nakamit.

2. Sinabi pa ng COA na ang Fixed Revenue Share ng Water District sa operasyon ng PrimeWater sa halagang ₱19.00 milyon kada taon, kabilang na ang ₱1.00 milyon na pagtaas sa kada limang taon alinsunod sa Seksyon 4 ng Joint Venture Agreement ay hindi umano suportado ng mga kaukulang computations at mga dokumento kaya dahil dito ay hindi aniya matutukoy ang katiyakan sa wastong revenue-sharing na obligasyon ng PrimeWater na ibigay sa CNWD.

Kaugnay nito ay inirekomenda ng COA sa management na magsumite ng detalyadong pagkalkula at pagsusuri upang maging batayan sa pagtanggap ng Fixed Revenue Share ng Water District.

3. Kabilang pa sa mga nasilip ng COA ay ang hindi pagsagawa ng CNWD-CMU ng detalyadong pagsusuri sa Five-year Performance ng PrimeWater alinsunod sa isinasaad ng Seksyon 8.5.1 ng Joint Venture Agreement na nagtatakda sa pagsasakatuparan detalyadong pagsusuri upang makita kung nagagampanan ba ng tama ng PrimeWater ang kanilang mga obligasyon sa serbisyo, mga layunin at target sa nakalipas na limang taon.

4. Hindi rin aniya nagawang mabawasan ng PrimeWater ang Non-Revenue Water (NRW) na maabot ang acceptable rate na 20 porsyento, dahil sa kasalukuyan ay nakapagtala ito ng 40.65 percent na Non Revenue Water na nagresulta sa mga loses ng revenues na may katumbas na halagang ₱59.49 milyon piso.

5. Sinabi pa sa pagsusuri ng COA na ang mga pumping station at mga tangke ng tubig na ginamit sa Joint Venture (JV) operations ay hindi naging maayos ang maintenance ng PRIMEWATER at ang CNWD-CMU ay hindi nakapagtakda ng mga pamantayan sa wastong maintenance at napapanahong rehabilitasyon o pagkukumpuni ng mga ari-ariang sa PrimeWater para sa eksklusibong paggamit ng mga ito bilang Facilities Operator and Asset Manager.

6. Hindi rin nagawa ng CNWD-CMU na ipataw ang obligasyon sa serbisyo ng PRIMEWATER na isagawa ang maayos na pamamahala ng septage at sanitasyon na ipinag-uutos sa ilalim ng Seksyon 28 ng PD No. 198 at itinatadhana sa ilalim ng Seksyon 5.1.6 ng JVA, dahil dito, ang PRIMEWATER ay hindi nakatupad sa mga obligasyon nito bilang Joint Venture partner at bilang tagapamahala ng wastewater bilang bahagi ng national policy sa lokal na operasyon at control ng water system, kung saan hindi ito binigyang-priyoridad.

Ang 2021 Annual Audit Report para sa mga Water Districts ay hindi pa naipapalabas ng Commission on Audit.

AUDIT RECOMMENDATION

Dahil sa mga nakita ng COA na paglabag ng PRIMEWATER sa kasunduan ay inirekomenda nito sa CNWD na gumawa ng naaangkop na aksyon at atasan ang PRIMEWATER na tuparin ang mga obligasyon nito sa serbisyo, lalo na ang kontrol sa pagpapatakbo nito sa mga aktibidad ng negosyo ng Water District.

Inirekomenda rin ng COA na ipatupad ng CNWD ang mga karapatan nito laban sa PRIMEWATER, alinsunod sa mga itinatadhana sa Joint Venture Agreement, tulad ng forfeiture ng performance bond at pagpataw ng multa para sa hindi pagsunod ng PRIMEWATER sa mga obligasyon nito sa serbisyo o kaya pag-isipan ang iba pang mga opsyon na paborable sa consuming public.

RESULT OF PRIVATIZATION

Nagresulta ang pribatisasyon ng Water District sa mas mataas na halaga ng tubig habang bumaba naman ang kalidad ng serbisyo nito.

Makikita rin ang mababang kita ng Water District sa pamamahala ng PRIMEWATER, mula sa mga datos ng Commission on Audit:

YEARPRIMEWATER Net IncomeCNWD Net Income
2020₱  24,559,561.84 
2019₱  22,898,924.15 
2018₱  21,228,216.78 
2017₱  18,358,904.92 
2016₱  30,483,070.75 
2015 ₱  31,816,058.68

PETITION

Karugtong ng mga nakitang hindi paborable sa consuming public ang naging epekto ng JOINT VENTURE AGREEMENT at sa operasyon ng PRIMEWATER sa mga ARI-ARIAN at NEGOSYO ng WATER DISTRICT ay pangungunahan ng isang CNWD Board of Director sa katauhan ni Atty. Freddie Venida ang isang Petition for Declaration of Absolute Nullity of Joint Venture Agreement na ihahain sa Regional Trial Court (RTC), at isa ring Petition na idudulog naman sa Senate Blue Ribbon Committee ng Senado, kabilang din ang isang Anti-Graft Complaint na ihahain naman sa Ombudsman. (The FENIX Channel – Special Report)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s