LOREN LEGARDA KINONDENA NG SARILING ANAK DAHIL SA PAGTAKBONG SENADOR SA ILALIM NG  MARCOS- DUTERTE TANDEM

“Ang aking ina ay isang halimbawa ng kung paanong ang pasismo ay lumulukob sa isang bayan, ginagawa itong katanggap-tanggap, nagiging normal, at naisasakatuparan”

MAY 5, 2022 | Kinondena ni Lorenzo Legarda Leviste, anak ni Rep. Loren Legarda, ang pagtakbo ng kanyang ina sa pagka senador sa ilalim ng Marcos- Duterte Tandem.

Sa open letter ni Leviste na inilabas sa Rappler kahapon Miyerkules, sinabi niyang hindi niya matanggap ang desisyon ng kanyang ina. Narito ang detalye ng bukas na liham ng pagdalamhati mula sa anak ni Loren Legarda na si Lorenzo Legarda Leviste:

Isinulat ko ito ilang linggo matapos kong mabalitaan na ang aking ina, ang babaeng nagngangalang Loren Legarda, ay tatakbong senador sa ilalim ng partido na pinangungunahan ng isang Marcos at isang Duterte.

Ineendorso ng aking ina ang mga pasista. Ilang linggo na akong umiiyak araw-araw, sumisigaw araw-araw hanggang sa sumuka na ako ng dugo.

Talagang hindi ko lubos maisip, hindi maatim ng aking konsensya, at hindi ko mapapatawad ang naging desisyon niya.

Nitong nakaraang buwan, tila bumagsak ang buong buhay ko. Daig pa nito ang isang bangungot. Hindi pa rin ako makapaniwala at hinding-hindi ko iyon matatanggap.

Ilang linggo na akong paralisado dahil nasasaktan ako. Wala na akong magagawa kundi isapubliko ang labis-labis na pagkasuklam ko sa aking ina at sa mga napagpasyahan niyang gawin.

Sukdulan ang sakit na ibinibigay nito sa akin at parang gusto ko nang mamatay. Gusto kong malaman ng lahat na hindi na ako anak ni Loren Legarda kailanman dahil sa mga nangyari.

Kulayan n’yo siya ng pula dahil sa labis na kahihiyan. Huwag n’yong hayaang makalimutan niya ito. Sabi nga ng isang sikat na babae: “I don’t know her.”

Kung hindi pa nag-post si Ariana Grande ng video ng isang rally kung saan sabay-sabay na kumakanta ang maraming tao ng “Break Free,” hindi ko maaalala na may magaganap nga palang eleksiyon sa Pilipinas.

Matagal na akong hindi naninirahan diyan simula pa noong 18 pa lang ako. Halos kalahating dekada na akong wala riyan, at ganoon na ring katagal na hindi ko nakikita ang aking ina, kaya wala akong alam sa kung sino ang mga tumatakbo sa eleksyon.

Pero nasaksihan ko ang mga nangyari sa bansa sa loob ng nakaraang anim na taon at suklam na suklam ako. Alam kong may kalakip na pribilehiyo ang paglayo kong ito, pero nakondisyon na kasi ako sa trauma ng paglaki sa isang bansang alam kong malubha na ang karamdaman noon pa man, isang bansang nagkaroon ng amnesia sa kasaysayan kaya umabot tayong lahat sa puntong ito.

Tinututulan ko ang normalisasyon ng malakriminal na pagkapasista ng pamahalaan, ang paggamit ng mga kasinungalingan bilang mga alternatibong katotohanan, at ang pagrerebisa ng kasaysayan ng bansa na ngayon ay isinusulat na parang isang pabula.

Ang aking ina ay isang halimbawa ng kung paanong ang pasismo ay lumulukob sa isang bayan, ginagawa itong katanggap-tanggap, nagiging normal, at naisasakatuparan.

Gusto kong malaman n’yo na wala siyang kamalay-malay tungkol sa lalim ng kasamaan na kaniyang ginagawa. “Oo, nasa ticket nila ako. Pasista na ba ako dahil doon?” Tanong niya ‘yan sa akin. Hindi ko alam kung nagmamaang-maangan lang siya o nagpapaka-sinikal.

Nakapanghihilakbot. Ang nanay ko ay isang babaeng nabuhay noong Martial Law. Dati siyang journalist na nagturo sa akin na pahalagahan ang katotohanan at katarungan. Ganito na silang lahat karima-rimarim, wala na sa wasto ang pag-iisip, at wala na ring sinasanto.

Literal na wala silang alam tungkol sa ginagawa nila at sa deka-dekadang karahasan at paghihirap na idinudulot nila. Para sa nanay ko, isa lang itong eleksyon, panahon ng kawalang-hiyaan at oportunismo.

Hindi nila lubos na nauunawaan na ang paghahalal sa isang Marcos ay katapusan na ng lahat para sa Pilipinas. Ito na ang katapusan, ang hangganan ng kasaysayan.

Ipinanganak ako noong 1990, sa ilalim ng anino ng ilang dekada ng takot, paghihirap, at korupsiyon na idinulot ni Marcos. Ang lagim ng kanilang pamamahala ay pawang totoo at napatunayan. Na kailangan pa itong ipagdiinan ay isang bagay na hindi ko maintindihan.

Kung tahasan mong binabaluktot ang mga katotohanang ito, dapat kang ituring na kaaway ng hustisya, at ng libo-libong buhay at mga pamilya na winasak ng mga Marcos at mga Duterte, at ng milyon-milyong Filipino na araw-araw na nakikipaglaban para sila ay pigilan.

Sa kaniyang ginawa, ang aking ina, si Loren Legarda, ay parang dumura na rin sa mukha ng mga kababayan niya.

Ayon sa Indian na makata at aktibista na si Aamir Aziz, na naging biktima rin ng hilakbot na dulot ng pasismo: “Ang lahat ay maaalala.” Pinipili kong alalahanin hindi lamang ang mga krimen ng mga taong nasa kapangyarihan, kundi pati na rin ang mga taong nagluklok sa kanila sa puwesto.

Isa-isahin n’yo ang lahat ng mga kakilala n’yong bumoto sa kanila, at tandaan n’yo ang kanilang mga pangalan. Tandaan n’yo rin na sa kanilang ginawa ay parang dineklara na rin nila ang pagpanig nila sa mga kasinungalingan at sa isang bersyon ng kasaysayan na walang puso at walang kaluluwa.

Alam sana nila kung ano ang kinakatawan ng kanilang mga ibinoboto walang habas na pagpatay, pangungulimbat, ang pagpanaw ng demokrasya, ang pagtanggi sa katotohanan, at ang pagrerebisa ng kasaysayan itong lahat ang gustong-gusto nilang maisakatuparan.

Kapag dumanak na ang dugo sa mga kalsada, ipaalala n’yo sa kanila na may dugo rin sa kanilang mga kamay, kumikinang sa pagkapula. Ipaalala n’yo iyon sa kanila sa bawat araw. Ito ang kanilang mga krimen ngayon. Kailangan nilang managot. At kailangan nilang ariin ang mga ito. Tingnan natin kung makakaya nila itong ipagtanggol.

Labis-labis ang aking kalungkutan. P***** I** ang nanay ko dahil hinayaan niyang mangyari ang lahat ng ito. Ang mga krimen nila ay mga krimen niya na rin. Sana ay kayanin din niyang maipagtanggol ang mga ito.

Ayon kay Leviste, hindi niya matanggap ang nangyayaring pagbabaligtad sa kasaysayan at pagsasantabi sa mga naganap noong panahon ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ama ni Bongbong Marcos.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s