COA: LGU Daet walang 10-year Solid Waste Management Plan, Waste Recycling Facility hindi ginamit, problema sa basura nararanasan ngayon ng bayan

COA-LGU Daet

Daet, Camarines Norte | Natuklasan ng Commission on Audit (COA) na walang 10-year Solid Waste Management Plan ang Pamahalaang Bayan ng Daet, Camarines Norte, ito ay matapos ang isinagawang pagtatanong ng COA sa tanggapan ng Municipal Planning and Development Office (MPDO) kung saan lumitaw na hindi nakapaghanda at hindi nakapagsumite ng kanilang 10-year Solid Waste Management Plan alinsunod sa ipinag-uutos ng Section 16 ng RA 9003 o “Solid Waste Management Act of 2000”.

Bukod dito sinabi pa ng COA na ang Section 10 ng RA 9003 ay nagsasaad na pangunahing obligasyon ng LGU ang implementation at enforcement ng mga probisyon ng nabanggit na batas sa loob ng kanilang hurisdiksyon.

Kayat nagresulta ito na ang Lokal na pamahalaan ng Daet ay hindi nagabayan ng isang plano na makakatulong dito upang makamit nito ang kinabukasan ng bayan tungo sa isang malinis na pamayanan na pangunahing layunin sa pagpapatupad ng RA 9003.

Kaugnay nito, inirekomenda ng COA kay Mayor Benito S. Ochoa na umaksyon ito sa loob ng 60 araw at kanyang atasan ang Municipal Solid Waste Management Board na agarang isagawa ang paghahanda ng Solid Waste Management Plan para sa Calendar Year 2018 hanggang 2028, simula ng matanggap ng Alkalde noong April 27, 2018 ang rekomendasyon ng COA sa pamamagitan ng sulat ni State Auditor V Maura S. Ruy, Supervising Auditor ng COA Camarines Norte.

Republic Act No. 9003

Ayon sa COA ang R.A. 9003 na kilala bilang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000” ay isinabatas noong January 26, 2001 kung saan idinideklara nito ang patakaran ng estado na magpatibay ng sistematiko at komprehensibong ecological management program upang siguruhin ang proteksyon sa kalusugan ng publiko at kalinisan ng kapaligiran.

Sinabi pa ng COA, ang R.A. 9003 ay nananatili na pangunahing responsibilidad ng LGU ang pagpapatupad ng Solid Waste Management.

Kaya naman ang pagpapatupad ng komprehensibo, sistematiko, mahusay at katanggap-tanggap sa lipunan na solid waste management programs ay nakasalalay sa mga LGU’s ang paglutas ng problema sa basura ng kanilang komunidad.

Panukalang “Waste Diversion Facility Program ng LGU-Daet”

Kaugnay sa bagay na ito inihayag sa report ng COA, na ang nakatalikod  na administrasyon sa bayan ng Daet ay gumawa ng isang pag-aaral at ito ay nag-resulta sa isang project design na tinawag na “Waste Diversion Facility Program ng LGU-Daet”. Ang proyekto ay nagmumungkahi ng mabilis na sistema ng paggawa ng abono (Rapid Composting System)  at produksyon ng plastiboard (Production of Plastiboard).

Ang Rapid Composting System ay pagpoproseso sa basura upang gawing solid at liquid extracts, at maging kapaki-pakinabang na organic fertilizer, soil enhancers o soil conditioners. Bukod dito ang liquid extracts ayon sa COA ay maaari ring gamitin bilang deodorizers, disinfectants at canal decloggers. Ang nasabing Sistema ayon sa COA ay aktuwal na pinabibilis ang composting ng organic waste na nagko-convert nito mula sa biodegradable waste upang maging abono sa loob ng isang araw na proseso.

Samantalang ang Plastiboard Processing System naman ay proseso ng pag-recycle o paggamit muli ng residual o non-biodegradable waste upang makapag-produce ng iba pang produkto. Ang produktong maaaring ma-produce nito ay isang bagong uri ng plyboard mula sa recycled plastic at iba pang marerekober na materials mula sa residual waste o tirang mga basura. Ang pinagsamang mga materyales mula sa recycled plastic at iba pang residual waste ay magreresulta sa isang finished product (Plyboard) na may kakakayahang maging water proof, fire resistant, termite resistant at higit sa lahat itoy magagawang mapanatili ang porma kahit sa mainit o malamig na temperatura at mag-uugoy lamang ito sa malakas na hangin.

Pagsasakatuparan ng panukalang Waste Recycling Plant

Ayon sa COA upang maisakatuparan ang panukalang proyekto, ang LGU-Daet ay pumasok sa isang loan agreement sa Land Bank of the Philippines (LBP) upang tustusan ang inaprubahang priority projects ng LGU kabilang dito ang Waste Diversion Scheme (Waste Recycling Plant).

Noong February 9, 2015, isang Supply Contract ang naisakatuparan sa pagitan ng Pamahalaang Bayan ng Daet at Ecogreen Valiant Alternatives Corporation na kinakatawan ng Pangulo nito na si Maritel T. Deza.

Nakasaad sa kontrata na ang LGU-Daet ay magbabayad sa Ecogreen Valiant Alternatives Corporation ng total amount na P20 million para sa Waste Recycling Project nito na binubuo ng Supply at Installation ng Fiber Reinforced Plastic Board System (FRPBS) at Quick Compost System (QCS) na may presyong P10 million ang bawat system na may kapasidad na isang tonelada ang FRPBS at limang tonelada naman ang QCS sa bawat araw. Kabilang dito ang warranty para sa lahat ng equipment at materyales sa loob ng 12 buwan matapos ang trial period mula sa petsa na binanggit sa shipping documents.

Ang Project Inspection Report at Certificate of Completion na kapwa may petsa September  9, 2015 ay inihanda at inirekomenda para sa approval ng tanggapan ng Municipal Engineer at ito ay inaprubahan kasunod ang pagsang-ayon ng Municipal Mayor. Sinasabi sa Certificate of Completion na ang warranty period ay mag-uumpisa sa petsa ng completion. Kasabay nito ang paglagda ng Alkalde sa kaparehong petsa sa Certificate of Acceptance.

Noong March 7, 2016 ay isinailalim sa tatlong (3) araw na seminar at training para sa technology transfer ng Waste Diversion Scheme ang walong (8) Personnel ng Municipal Environment and Natural Resources Office ng LGU Daet na ibinigay ng Ecogreen Valiant Alternatives Corporation.

Ayon sa COA, upang beripikahin kung ginagamit na ang Waste Diversion Facility ay isinagawa nila ang interview sa Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO). Ito ay isa sa participants sa ginawang 3 araw na seminar at training para sa technology transfer ng Waste Diversion Facility. Ayon sa MENRO ginamit nila ang WDF noong April 2016 hanggang June 2016.

Ano ang motibo sa hindi pag-gamit sa Waste Recycling Facility?

Batay sa COA report, ang incumbent Municipal Mayor ng bilihin ang WDF ay nasa kanyang last term. Ang Local at National election ay naganap noong May 2016. Ang bagong nanalong Mayor ay naupo noong July 1, 2016.

Sa interview ng COA sa bagong MENRO na itinalaga ng Bagong Administrasyon, sinabi nito sa Audit Team, nang siya  ay mag-assumed bilang MENRO ay wala umanong proper turn over ang Municipal Environment and Natural Resources Office partikular ang WDF at ang operasyon nito.

Ang bagong MENRO ay nagbigay ng obserbasyon sa COA na ang machines ay hindi na umano 100 per cent na nasa good condition at hindi na rin umano makapag ka-crash ng higit sa 100 kilograms ng basura sa isang setting. Sa kanya umanong analysis ang walong (8) oras na operasyon sa bawat araw ng Waste Recycling Facility ay maaaring kumunsumo ng mahigit sa 9,131.04 kilowatt ng kuryente sa bawat buwan.

Subalit ang analysis na ito ng bagong MENRO ayon sa COA ay hindi sinuportahan ng aktuwal na consumption o actual na electric bill.

Ayon pa sa bagong MENRO, matapos umano na makita niya ang actual result at end products ng WDF, ay personal niyang inirekomenda sa Alkalde ang pansamantalang pagpapahinto sa operasyon ng Waste Recycling Facility upang pag-aralan pa ang performance ng makinarya bago muling ipagpatuloy ang operasyon. Subalit ayon sa COA ang operasyon ng Waste Recycling Facility ay ipinatigil ngunit wala namang karagdagang pag-aaral ang isinagawa. Ang bagong MENRO ay nagsilbi lang hanggang June 30, 2017.

Ang dating MENRO ng bilihin ng LGU-Daet ang WDF ay pinabalik ng bagong administrasyon at ito ay muling naupo bilang MENRO noong July 1, 2017. Sinabi ng ibinalik na MENRO, nang siya ay mag-assume ang Waste Diversion Facility ay hindi na pinatatakbo at hindi na rin nag-ooperate hanggang sa isinusulat ang COA report, ayon sa COA.

Karugtong nito sinabi ng COA, na kailangan ng kasalukuyang administrasyon ang tamang pag-gamit ng Waste Diversion Facility, ituloy ang operasyon nito at e-avail ang warranty period upang matugunan ang mga nabanggit na kakulangan sa machines at sa operasyon, ang purpose ng nasabing proyekto ayon sa COA ay maaaring makapaghatid at makapag-ambag ng mahusay na pamamahala ng basurang naiipon ng bayan ng Daet.

Kaugnay nito, inirekomenda ng Commission on Audit kay Mayor Benito Ochoa na kailangang isagawa ng alkalde ang malalim na pagsusuri sa Waste Diversion Facility o Waste Recycling Plant para sa posibleng operasyon nito upang mapakinabangan ang benipisyong hatid nito at hindi masayang ang pundong inilalaan sa pagbayad ng loan para isakatuparan ang nasabing proyekto.

Pinagdududahan naman ng ilang opisyal ng Lokal ng Pamahalaan ng Daet ang naging motibo ng Alkalde sa tuluyan nitong pagpapahinto sa operasyon ng Waste Recycling Plant hanggang sa panahong ito nang walang sapat na batayan sa pagpapatigil, kung saan hindi anya mararanasan ng Daet ang problema sa pagtatapunan ng basura ngayon kung ang basura sa dump site ay nakokontrol at naiko-convert sa finish products, ito ay kung may mahusay at matinong pananaw umano ang namumuno dagdag pa ang kawalan nito ng solid waste management plan simula ng ito ay umupo noong July 1, 2016. ###TheFENIXFIles

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s